Industries News.Net

Tagalog News: DAR, tututukan ang implementasyon ng SPLIT Project


Philippine Information Agency
24 Feb 2021

STA. ROSA, Nueva Ecija, Pebrero 24 (PIA) -- Tututukan ng Department of Agrarian Reform o DAR ang implementasyon ng Support for Parcelization of Lands for Individual Titling o SPLIT Project.

Ipinahayag mismo ni DAR Secretary John Castriciones sa kamakailang pagbisita sa lalawigan na isa ang SPLIT Project sa mga kasalukuyang isinusulong ng kagawaran na ang layunin ay paghiwa-hiwalayin o magkaroon ng kani-kaniyang titulo ng lupa ang mga magsasakang nabigyan ng Collective Certificate of Land Ownership Award o CCLOA.

Solusyon aniya ito sa mga nabigyan ng CCLOA na kung saan maraming magsasaka ang nakalagay ang mga pangalan sa iisa lamang na titulo ng lupa.

Pahayag ni Castriciones, pangunahing nararanasang problema rito ay ang hindi nakadetalyeng sukat o bahagi ng lupa na pagmamay-ari ng isang benepisyaryo o magsasaka kung kaya't ang ilan ay hindi magamit ang lupa gayundin ang mga pribilehiyo sa pag-aplay sa mga programa ng gobyerno.

Problema din ang pagbabayad ng buwis lalo na't hindi alam ang pagkaka-parte ng mga lupain.

Ang mga may pinanghahawakang sariling titulo ng lupaing sinasaka ay kwalipikado nang tumanggap o maging benepisyaryo sa mga ayuda o programa sa pagsasaka.

Kabilang rito ang pagpapa-insured ng lupain sa Philippine Crop Insurance Corporation nang makasigurong may matatanggap na kabayaran sa oras na masira ang mga pananim mula sa anumang kalamidad gayundin ay makahiram ng panimulang puhunan na kailangan sa pagtatanim.

Kaugnay nito ay ibinalita din ng kalihim ang patuloy na pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa mga magsasaka gaya ang mga pagmamay-aring lupain ng gobyerno na hindi nagagamit o napakikinabangan sa kasalukuyan.

Ayon pa kay Castriciones, maliban sa mga magsasaka ay kwalipikado ding makatanggap ng hanggang tatlong ektaryang lupain ang mga kabataang nagtapos ng kursong agrikultura.

Aniya, isa din itong pamamaraan upang makahikayat ng maraming kabataang mag-aral ng mga kursong may kaugnayan sa pagsasaka na makatutulong sa paglago ng industriya lalo ngayon na karamihan sa mga magsasaka sa bansa ay may mga edad na.

Binanggit din ng kalihim na ang naturang programa ay nakasaad sa Batas Republika Bilang 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Act na kung saan tanging ang kasalukuyang administrasyon lamang ang nagpatupad.

Sa katunayan aniya ay nasa 44 na bagong gradweyt ng mga kursong agrikultura mula sa mga lalawigan ng Cagayan at Palawan ang nabigyan ng sariling lupang aalagaan at magagamit sa pangkabuhayan. (CLJD/CCN-PIA 3)

Copyright ©1998-2024 Industries News.Net | Mainstream Media Limited - All rights reserved