Industries News.Net

Tagalog News: Murang pautang, tiniyak ng BSP


Philippine Information Agency
22 Feb 2021

LUNGSOD NG MALOLOS, Pebrero 22 (PIA) -- Pinababa ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang policy rate sa bansa sa dalawang porsyento upang matiyak na makautang nang mura ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs, mga nasa pagsasaka at mga industriya.

Ayon kay BSP Cabanatuan Branch Bank Officer II Rodora Teresa Openiano, ito na ang pinakamababang policy rate sa kasaysayan.

Mahihikayat aniya nito ang ang mga MSMEs, magsasaka, mangingisda at mga industriya na humiram sa mga bangko upang muling buksan at makabawi ang kani-kanilang kabuhayan.

Ipinaliwanag ni Openiano na upang mapababa ang policy rate, ibinaba pa ng BSP ang Basis Points o bps sa 200 bps at ibinaba sa 12 porsyento ang Reserve Requirement Rate.

Ibig sabihin, mas pinaliit ang dapat na nakareserbang pondo ng mga bangko o iyong mga pondong hindi dapat galawin kaya't mas maraming pondo na ang mailaan para sa pagpapahiram.

Kaya't hudyat ito upang ibaba rin ng mga lending institutions, partikular na ang mga bangko, ang kanilang interest rates.

Karaniwan din aniyang ibinababa ng mga government owned and controlled corporations at government financial institutions ang current market lending rates upang makasabay sa kamurahan ng pagpapahiram ng pera.

Dahil dito, inaasahan na mas bababa pa ang interes para sa mga bagong pautang ng Government Service Insurance System, Social Security System, Pag-IBIG Fund at iba pang gaya nito.

Binigyang diin ni Openiano na ang ginawang pagpapababa ng mga rate ng BSP ay patunay ng katatagan ng sistema at kalagayang pananalapi ng Pilipinas sa kabila ng nararanasang pandemya ng COVID-19.

Lalo pa aniyang pinalakas ito ng Republic Act 11211 o ang bagong BSP Charter na nagtitiyak na mapanatili na may purchasing power o panggastos ang karaniwang mamamayan, may sapat na perang iikot sa financial system ng bansa at matamo ang financial inclusion at makinabang sa inclusive growth.

Aabot na sa 840 bilyong piso ang naipapasok ng BSP sa sistema ng pananalapi ng bansa mula nang tumama ang pandemya. (CLJD/SFV-PIA 3)

Copyright ©1998-2024 Industries News.Net | Mainstream Media Limited - All rights reserved